![]() |
SH President Julianne Rauland Martir |
Bali ang kaliwang balikat at nagtamo ng mga sugat sa tuhod at binti si Julianne matapos sumalpok ang motorsiklo nito, na may plakang 4553NQ sa motorsiklo ng lalaking si Phil Jericho Congzon (XO 2298), residente ng Ilaya St. Brgy. Poblacion ng parehong lungsod. Nangyari ang aksidente, alas-dos ng madaling araw kanina. Kwento ni Julianne, pareho nilang binabagtas ang kahabaan ng J. P. Rizal Ave. ng bigla na lamang umanong huminto ang motorsiklo ni Congzon sa gitna ng daan. Hindi na niya ito naiwasan dahil may papasalubong na kotse sa kabilang linya. May dala din siyang maraming diyaryo dahil nagdedeliver siya ng Philippine Daily Inquirer ng mga oras na iyon. Nagkalat naman sa daan ang kanyang mga diyaryo.
Iba naman ang naging salaysay ni Congzon. Sinabi niya na may humintong jeep sa kanyang unahan kaya siya biglang napahinto. Itinanggi naman ni Julianne na mayroong humintong jeep doon.
"Walang jeep dun. Kung meron man, sana dun kami bumalibag parehas", pahayag ni Julianne.
Nang dumating sa insidente ang mga rumespondeng tanon, napag-alaman na nakainom si Congzon. Dahil hindi gaanong nasaktan, parehong tumanggi ang dalawa na magpadala sa ospital. Dinala na lamang sila sa opisina ni SP02 Jose R. Javier ng Makati City Police Traffic Accident Unit, sa munisipyo ng Makati. Sinabi ni SP02 Javier na bagama't lasing si Congzon, si Julianne pa rin ang may kasalanan dahil siya ang bumangga dito mula sa likuran. Imbes na magsampahan ng kaso, nag-usap na lamang ang dalawang panig. Binayaran na lamang ni Julianne si Congzon ng apat na libo para sa nasira nitong motor at tatlong libo naman para sa nasira nitong pustiso.
Nabahala naman ang mga kasamahan ni Julianne sa Inquirer dahil sa nangyari. Mamaya ay kakausapin siya ng kanilang among si Boy Romanillos.
Kasalukuyang nagpapahinga si Julianne sa kanilang bahay sa Makati City. Aniya, magpapahinga lang siya ng dalawang araw, at mulit na itong babalik sa trabaho upang mabawi ang ginastos niyang pitong libong piso.
"Wala tayong magagawa, it's an accident. Nangyayari talaga iyon especially madaling araw. Ingat na lang siguro sa susunod," sabi ni Julianne.